![]() VINCENT
JAN RUBIO
Katatapos ko lang magluwal ng init. Iba’t-ibang eksena ang tumatagni-tagni sa isip ko. Marami na naman akong pantasyang hanggang nakapikit ako’y tinutusok pa rin ang aking kaluluwa. Gusto ko na silang patayin ngunit, nagsasama-sama sila at mukha yatang ako ang kanilang dudurugin. Akala ko’y ako ang kanilang Diyos. Ngunit hindi pala. Naging isa ang kanilang kaluluwa at mas malaki pa sa akin. Hindi ko na sila kontrol, sapagkat kusa silang nabubuhay at pumapatay. Sasabog na ang utak ko. Gusto ko nang tumakas. Akala ko’y mas maganda ang mundong hinulma ko kaysa sa totoong mundo. Sapagkat sa mundong ito, ako ang kanilang pangulo. Ako ang nagpapaikot ng sistema. Ako ang pumapatay sa mga nang-aapi. Hindi tulad sa tunay na mundo sa labas ng aking mga mata na ako’y walang bisig. Wala akong boses, kung kaya’t sa akin ay walang nakikinig. Pinaniwala ako sa mundo na nasa loob ng aking puso na ako ang bida. Ako ang nasusunod. Nakukuha ko ang lahat ng gusto ko. Maging ang pagkababae. Dito’y may nagmamahal sa akin, si Olan. Bago ko ipikit ang aking mga mata’y malalagkit ang aming mga labi. Mahihigpit ang mga yakap niya sa akin. Parang wala sa aking mananakit. Maaalab ang aming mga katawan. Mga init na galling sa libog ng pagmamahal at pangako. Nararamdaman ko ang init ng kanyang hininga. At dito ako nabubuhay. Maging wala ako sa mundong ito. Ngunit sa mundong labas ng aking mata’y hindi ako kilala ni Olan. Kahit ang pagtingin ay hindi niya makuhang gawin sa akin. Hindi niya alam na nabubuhay ako sa kanyang mga pinagtagni-tagning pagkatao. Hindi niya alam na kasiping ko siya palagi. Hindi ko na kaya. Ang lahat ay nag-aalsa. Ayaw na nilang pa-kontrol. Ayaw nila ng aking pamamalakad. Nakikipagdigma ang lahat pati na ang pira-pirasong kaluluwa ni Olan. Dugo na ang tumulo sa aking mga mata. Nararamdaman ko na ang kanilang mga yabag. Naglalaban silang makawala sa mundo ko. Gusto na nilang makalabas sa akin. Unti-unting nilang tinutusok ang aking puso. Dinudurog nila ang aking utak. Binabasag ang aking bungo. Binabali ang aking mga buto. At nawala ang liwanag. Nililibing nila ako sa gawa-gawa kong mundo. Wala na akong maaninag kundi ang mga galit sa kanilang mga mukha. Tumataghoy ang mga bata. Ang mga ina ay nagwawala. At si Olan, tumatakbo papuntang kawalan. Tumatakas siya sa aking mga paningin. Iiwanan niya ako. Olan, akin ka!
10-30-98
Mama,
1:57 A.M Labing-walong taon mula nang iluwal sa sinapupunan. Akala mo’y buo ako. Akala mo’y palaban ako. Ngunit hindi. Labing walong taon na akong sinasaktan. Ewan ko kung sino, basta’t nararamdaman ko na lang sa bawat sirkulasyon at sistema ng aking pagkatao. Ang sakit-sakit, alam kong puno ito ng latay sa loob. Sana’y kilala mo ako. Sapagkat hindi ko nga kilala ang sarili. Hindi ko alam kung sino at ano ako? Kung bakit ako nagkakaganito at ginaganito. Sana’y ipinagtanggol mo ako mula sa kahayupan na ginawa sa akin ng anak ni Yaya Tasing. Dito nagsimulang magsugat ang aking kaluluwa. Pinilit ko itong takasan, ngunit hindi ko kaya. Minumulto pa rin ako hanggang sa sandaling ito. Sana’y napagtanggol kita mula sa mga halimaw na nagkulong sa iyo sa maitim na piitan. Alam kong wala kang kasalanan. Sadyang maliit lang tayo. Wala tayong pera na bubuhay sa nangamamatay nilang dugo. Sila ang magnanakaw at hindi ikaw. Ninakaw nila ang ating karapatan. Ngunit alam kong nananatili pa rin ang ating pagkatao. At wala itong kamatayan. Mama, mahal na mahal kita. Salamat sa pagtanggap mo sa aking pagkatao. Ngunit talagang di ko matanggap ang sarili ko. Hindi ako habang panahong mabubuhay sa mga pantasya ko. At hindi habang panahon mapapaikot ko ang sarili kong mundo. Ayaw talaga sa akin ng sistema. Ayaw sa akin ng sitwasyon. Ayaw sa akin ng Diyos. Patawarin mo sana ako sa gagawin ko. At nawa’y mapatawad ako ng bayan. Hindi ko na natupad ang aking mga pakikibaka. Sayang at hindi ko na naramdaman ang aking kapantayan. Ngunit sana’y lumaban pa rin ang bayan. Kahit dugo ang umiral ay ipaglaban niyo ang mga karapatan. Bawiin niyo ang karapatang binawi sa akin. Kay Risa, patawarin mo ako sa hindi pagsipot sa mga E.D at MKLRP. Isa kang tunay na kaibigan ngunit sana’y hindi maging basehan si Marx, Lenin, at Mao sa solusyon ng bayan. Kay Olan, isang Engineering student, minahal kita. Kahit hindi mo ako kilala. Sayang at hindi tayo nabigyan ng pagkakataon. Mahal na mahal kita. Sana’y makatagpo ka ng babaeng magmamahal sa iyo na hindi katulad ng pagmamahal ko. Kay Christian, Marlon, Teofilo, Michael, at sa iba ko pang kaibigan na nagtatago sa dilim. Sumilip na kayo sa liwanag. Sapagkat dilim lang ang lalamon at kikitil sa inyo. Mabuting masilayan niyo ang liwanag upang lumaban at mag-udyok. Sa pinsan ko, patawarin mo ako sa hindi pagtapat ng tunay na pagkatao. Nagkunwari ako sa iyo. Kay Lola, maraming salamat sa tulong at mahal na mahal kita. Sa mga kapatid ko, sumama kayo kay Mama sa kanyang pagtakas. Huwag muna kayong babalik sa lipunang ito habang nananatili itong bulok. Ayaw ko kayong masaktan. Mahal na mahal ko kayo. Tanggap ko nang mapunta sa impiyerno. Sanay na ako. Labing-walong taon akong nabuhay sa madilim at nakakapasong sistema na mas hayok pa sa tinatawag nilang impiyerno. Kaya’t para sa bayan, lumabas at lumaban sapagkat mawawala na ang dilim. Kasama sa paglaho niyo ang mga biktima nito. Ako, na binahiran ng dilim ay unti-unting lalamunin ng lupa. At ang iba pang bumubuo sa akin ay maghihiwalay-hiwalay sa kalawakan. Huwag niyo sanang tularan ang aking paghihinagpis. Bagkus ay matuwa kayo at wala na ang mga walang bayag sa mundo. Mawawala na ako. Ngunit mananatili pa rin ang mundo. Ang mundong bumuhay at pumatay sa akin.At darating din ang panahong babalik ang dilim at isa-isa kayong papatayin. Kung kaya’t ngayon pa lamang ay pag-aralan niyo nang lumaban at makibaka sa tawag ng kaapihan at kamatayan.
Anton
At nagkamalay ako na hawak-hawak ko ang lubid. Itinali ko ito sa aking leeg nang mahigpit na mahigpit. Kasing higpit ng sistema. Kasing lupit ng Diyos. At sumampa ako sa aking upuan. Mataas ako sa pagkakataong ito at kita ko ang mundo na aking binuo at hinabi. Mamatay ako na mas mataas kaysa sa aking mundo. At nagtagumpay ako. At
ang lubid ang nagtapos sa lahat ng kabaliwang ito.
|
|
|